Home       Contact Us    
 
 
   
 
 
 
Luisiana's Home Page
Home About Us Our Services Picture Albums Contact Us Members Only

Detailed History
(Tagalog Version)

Taon1600
Nang mga panahong ito ay may isang malawak at magandang lugar na kilala na sa pangalang Terreno de Nasunog o Lupain ng Nasunog. Dito sa lupaing ito nagmula ang kasalukuyan Bayan ng Luisiana, Laguna,Kapuloang Pilipinas. 1678 Ang Lupain ng Nasunog ay binahagi sa tatlong parte sa panahon ng Alcalde Mayor ng Laguna (Governador) na si Don Antonio Nieto. Ang bawat parte ay napabilang sa tatlong bayang nakapaligid dito. Ang isa ay naging Nasunog de Lucban, ang pangalawa ay naging Nasunog de Cavinti at ang pangatlo ay naging Nasunog de Majayjay na siya namang naging Bay

Taon 1825
Pinasimulan ni Don Luis Bernardo, isa sa mga prinsipales, ang kilusin upang humiwalay at maging lubos na bayan ang Nasunog de Majayjay mula sa inang-bayan nito, ang bayan ng Majayjay, lalawigan ng Laguna.

Katulong niya ang kanyang kapatid na si Don Salvador Bernardo, ang kanilang pinsang si Don Melencio Alcantara at iba pa. Ang matibay na dahilan ng paghiwalay ay ang kahirapang dulot sa mga tao rito sa aspeto ng buhay pang-temporal at pang-espiritual tulad ng sumusunod:

(Please continue with right coumn)

 

Ang distansya nitong Nasunog kung lalakbaying patungo sa poblacion at simbahan ng Majayjay ay mga dalawang oras kung tag-init at tatlo hanggang apat kung tag-ulan.

Ang mga miserableng daan patungo roon ay paliku-liko at aho’t lusong sa mga bulubundukin na kung tag-ulan ay mahirap nang madaanan.

Ang mga ilog na bumalagtas sa pagitan ng mga gasa o duminding ng lupain nito ay malimit na malakas ang agos.

Walang matibay na tawiran sa ilog kundi ang nag-usling bato o kaya ay ang manaka-nakang malabyok na kawayang tulay na tuwina’y nadadala ng baha.

Nahihirapang maglakbay ang mga matatanda, mahihina, kababaihan, kabataang paslit at mag-aaral lalo’t panahong malakas ang ulan at tagbaha sa mga buwan ng Hunyo hangang Disyembre. Ang dulot nito’y ang di pagkatanggap ng mga huling Sakramento ng mga maysakit at namamatay.

Ang malimit na di pagkakadalo o di pagtatapos sa gawaing “polos y servicios” at sa iba pang aktibidades na kailangan sa poblacion.

(Please continue with next right coumn)

 


Taon 1827
Napag-atasan si Don Melencio Alcantara at iba pa bilang mga apoderados ng Nasunog na iharap ang petisyon ng paghiwalay doon sa Mataas na Pamahalaan sa Maynila. Ang petisyo’y di napagtibay dahil sa marubdob na pagtutol ng mga cura parroco ng Majayjay, Lucban at Cavinti.

Taon 1836
Marso 5, 1836, doon sa Casa del Caudillo sa Barrio ng Ylayang Nasunog ay nagtipun-tipon muli ang mga taga-Nasunog de Majayjay. Nagsilagda unang-una’y ang mga prinsipales at ex cavezas de barangay sa isang petisyon ukol sa paghiwalay. Itinalaga bilang apoderados na maghahatid ng petisyon sa Maynila ang mga Ex Cavezas de Bgy. na sina D. Melencio Alcantara, D. Alexo de la Concepcion (manugang ni D. Luis) at D. Alverto Diego de S. Juan. Inako naman ng apat na prinsipales na sina D. Luis Bernardo, D. Feliziano de S. Andres D. Salvador Bernardo at D. Alexo de la Concepcion na magdukot-bulsa upang abonuhan at punan ang mga gastos sa pagtatayo ng bayan sukdulang maubos ang kanilang yaman at ipagpalit na rin pati kanilang Privilegios y Leyes.

Taon 1837
Nagbisita ocular sa Nasunog de Majayjay si D. Prudencio de Santos, Alcalde Mayor ng Laguna, upang alamin kung mayroon man lang 500 tributos dito na siyang isa sa mga hinihingi ng Ordinansang Kastila upang ang Nasunog ay maging bayan.

Pebrero 10 nang mapag-alaman sa ginawang rehistro o padron de los tributantes na 410 ½ ang mga tributos sa labing-isang barrio ng Nasunog de Majayjay. (below)

Barrio Barangay Caveza Tributos
1. Ylayang Caliaat San Felipe Santiago D. Alverto San Juan 19 1/2
2. San Luis Nra. Senora D. Francisco Aragon 37 1/2
3. Ybabang Caliaat San Bernardo D. Juan Mariano 43 1/2
4. Sta. Barbara San Mateo Apostol D. Jose de San Juan 44
5. Ylayang Nasunog San Simon D. Francisco Manuel 39 1/2
6. Ylayang Sto. Tomas Sta. Rosa de Lima D. Domingo San Luis 52 1/2
7. Ybabang Nasunog San Marcos D. Ygnacio Luis de la Torre 37 1/2
8. San Roque San Diego D. Octavio Juan Nepomuceno 32 1/2
9.Ybabang Sto. Tomas San Matias D. Gregorio Rivera 32
10. Pananem San Salvador D. Alexo de la Concepcion 37 1/2
11. Malagoin San Sebastian D. Esteban Francisco 34 1/2

Idinagdag pa rito ang tributos ng mga solteros, solteras at pinagsamang casados at solteros na nasa kalapit o paligid ng Nasunog de Majayjay: 48 ½

Pebrero 13 nang magpahayag ng nasusulat na pag-anib ang mga tributantes ng limang barrio ng Nasunog de Lucban na may kabuoang 255 tributos at gayundin ang Barrio Calunorang Nasunog-Bgy. Nra. Sra. del Rosario ng Cavinti na mayroong 43 tributos. Sila’y malapit sa Nasunog de Majayjay at nang maibsan din ang mga suliraning pang-temporal at pang-espirituwal.

Oktubre 9 nang pagtibayin ni Gobernador-Heneral Andres Garcia Camba ng Mataas na Pamahalaan ang isang Dekreto na ginagawang Visita ang mga barrio ng Nasunog de Majayjay at ang iba pang nauukol. Doo’y itinakda niya ang mga Kondisyon upang ang Visita de Nasunog ay maging bayang hiwalay at lubusang Malaya:

Pagtatayo ng simbahan, tribunal at paaralan

Pagsasaayos ng mga bahay ayon sa pormang itinatadhana ng Capitulo 83 ng mga Ordinansa ng Mabuting Pamahalaan.

Disyembre 9 nang piliing pagtayuan ng Visita ang ngayo’y tayo ng Poblacion mula sa dalawa pang pinagpiliang lugar: ang mga patag na lugar sa Dambuhala at sa May-lipute. Ito’y napili sapagkat maraming bukal na di natutuyo kahit tag-araw.

Sa bisa ng nasabing Dekreto ay pinili rin ang mga kaunahang opisyal ng Visita. Ito’y ginanap sa bahay ni D. Ygnacio Luis de la Torre, sa harap ni Alcalde Mayor Prudencio de Santos ng Laguna at ng kanyang Kalihim Eduardo Valenzuela.

Taon 1838
Enero 2 nang ipalabas ni Alcalde Mayor Santos mula sa Casa Real de Pagsanjan ang nasusulat na pagnonombra sa nasabing mga opisyal ng Visita:

D. Luis Bernardo -Teniente Primero o Absoluto

D. Melencio Alcantara - Teniente Segundo

D. Juan Mariano - Jues de Policia o Mayor

D. Pedro San Juan - Jues de Sementeras

Pedro de la Torre

Pasqual de la Cruz - Alguaciles

Pinasimulan din ang pagtatayo ng casa at ng hermita para sa paring coadjutor. Ito’y dedicado sa Birhen Maria at dependiente pa rin sa Majayjay. Pinamahalaan ito nina Don Melencio Alcantara at Don Jose Bernardo (anak ni Don Luis) sapagkat matanda na at masasakitin si Don Luis. Ang casa ay kaloob ni Don Gregorio San Pablo, taga Lucban na nakatira sa Taisan. Ang lupa ng hermita, patio at plasa ay kaloob ni Don Juan de San Jose subalit ang sa kabahayan na tig 20 barang parisukat at pinabayaran sa halagang 11 sikapat at 16 na pang-cuartos. Nang taong ito’y namatay si Don Luis Bernardo, ang kinikilalang “Ama ng Bayang Luisiana.”

Taon 1841
Buwan ng Marso nang muling hilingin ng taga Visita ang paghiwalay nang lubusan subalit marubdob itong tinutulan ng cura parroco ng Majayjay Padre Antonio Roman. Hulyo 14 naman nang tugunin ni Gobernador-Heneral Marcelino Oraa ang nasabing kahilingan sa pamamagitan ng Deklarasyong nag-uutos”…sa Alcalde Mayor ng Laguna na ipaunawa sa mga taga Visita de Nasunog na sa loob ng isang taon na di maaring palagpasin, ay dapat pagsama-samahin ang kanilang mga bahay ayon sa itinatadhana ng Articulo

 

83 ng mga Ordinansa ng Mabuting Pamahalaan, na may palatandaan ang mga lansangan at ang plasa na gagawin para sa kanila; kung matutupad nila ang kanilang ipinangakong pagtatayo ng hermita, paaralan, convento at hukuman, at kung ito’y di mapapatunayan sa loob ng nasabing taning na panahon ay mawawala ang pagiging Visita at muling isasama sa kanyang inang Majayjay tulad ng kanyang katayuan bago mag-ika-9 ng Oktubre 1837.”

Di malaman kung may epektong naidulot sa isipan ng mga interesado sa paghihiwalay ang pananakot na nasa Deklarasyong nabanggit, subalit sa pagtataya sa mga nangyayari pagkatapos, ang mga taga Visita ay walang ginawa upang matupad ang ipinag-uutos. Gayundin naman, ang Gobernador-Heneral Oraa ay walang ginawang hakbang kaugnay ng kanyang pagbabanta.


Taon 1845
Oktubre 31 nang ipadala ni D. Venancio Buenaventura, Teniente Primero ng Visita de Luisiana, kay Alcalde Mayor D. Jose Maria de Romarate ng Laguna ang isang Memorial na may lagda ng Teniente Primero at mga Caveza de Barangay ng Visita hinggil sa kahilingang magkaroon na sila ng sariling Gobernadorcillo sa halalan ng susunod na taon. Ito’y para sa isang higit na maalwan at mabuting pamamahala, alalaon baga’y upang di na nila konsultahin pa ang Gobernadorcillo ng Majayjay tuwina sa mga bagay na nais nila tungkol sa sistema ng pamamahala sa Visita. Idinahilan nila ang sitwasyon ng Visita de San Juan del Monte ng Pueblo de Sta. Ana sa labas ng Maynila at ng Visita de Dolores, Probinsya ng Tayabas, kung saan sila’y pauna nang nagkaroon ng Gobernadorcillo bago pa man maging lubos na bayan ng kani-kanilang Visita.

Disyembre 11 nang lagdaan ni Gobernador-Heneral Narciso Zaldua Clavaria sa Maynila ang Dekreto na nagsasaad ng sumusunod bilang tugon sa kahilingan nabanggit ng mga taga Visita de Luisiana:

“Bilang pagtanaw sa nauunang ipinag-utos aking ipinagkakaloob sa Teniente Mayor at sa mga Cabeza de Barangay ng Visita na tinatawag na Luisiana, nasasakupan ng Majayjay, lalawigan ng Laguna na mula ngayon sa kasunod na taon na darating bilang pauna ay maaring na silang magkaoon ng kaukulang Gobernadorcillong may lubos na kalayaan mula sa kanyang inang Majayjay, upang pamahalaan ay paunlarin yaong mga taal-na-mamamayan, na may pagkaunawa, sa sila’y patatantuan ng Alcalde Mayor ng nasabing lalawigan na pinadalhan nitong Dekreto, para sa kanyang kaalaman at kaukulang mga kilusin, na itong nakakataas ay umaasa para sa paggamit ng impluwensiya ng bagong likhang Awtoridad kung saan ang nasabing Visita ay dapat magtayo yari sa apog at bato ng kanyang hukuman at paaralan, maglikom ng kanilang buwis, mag-wasto at maghanay ng kaayusan ng kanilang mga bahay sa pormang itinatakda ng mga Ordinansa, at sa huli’y ihihiwalay sa kanyang angkop na panahon mula sa Majayjay sa kanyang pang-espirituwal, at nang sa gayon ito’y magiging isang bayang singyaman at sindami tulad ng ipinangangako ng kanyang katatayuan at ng iba pang pangyayari, dahil pantay-pantay nang naipaaalam ang dito ay mga ipinahayag, sakali’t itong Pamahalaan ay makapuna na ang nasabing Visita ay di umuunlad, di nakakatupad sa ipinag-uutos, di gumagamit ng kanyang mga kahigtan sa siyang inaasahan nitong pagkakaloob na ito, at sa kanila’y ipinangako na, ito’y ibabalik sa pagka-dependyente na siyang katayuan, dito sa inang-bayan, at aalisin ng Gobernadorcillo na ngayon ay ipinagkakaloob at hihirangain sa mga nalalapit na halalan.”

Taon 1848
Ang Visita de Luisiana ay nahiwalay sa pansibil mula sa Majayjay subalit wala pa ring lubos na kalayaan sapagkat pinamamahalaan pa rin ito ng Majayjay sa aspetong pang-espirituwal.

Taon 1849
Nobyembre 21, 1849 nang itakda ni Gobernador-Heneral Clavaria ang Dekretong nag-uutos sa buong Pilipinas na solusyonan ang kalituhang dulot ng kawalang apelyido ng maraming Pilipino ng pagkakaroon ng magkakaibang apelyido kahit iisang pamilya.

Aniya’y nagdudulot ito ng kalituhan sa administrasyon ng katarungan, gobyerno at pampublikong kaayusan, at ang malawakang konsekwensyang idudulot nito sa aspetong pangmoral, pansibil at panrelihiyon. Subalit sa malalim na pagsusuri nito, mapapag-alaman na ang isa ring matibay na dahilan ng Dekreto ay upang matukoy ang mga taong umiiwas sa pagbabayad ng buwis (tributos) na nakakasama sa sistemang pananalapi ng Pamahalaang Kastila dito.

Taon 1850
Abril nang matanggap ng Cura Parroco ng Majayjay R.P. Fr. Victorino del Moral ang Dekreto, kaukulang Katalogo ng Pamimilian ng Apelyido at Modelo ng Bagong Rehistro ng mga Apelyido, buhat sa Alcalde Mayor ng Laguna upang ipatupad sa Visita.

Disyembre 15 ang itinakdang katapusang ng pagsusumite ng Rehistro. At sa naganap na utos, ito ang ilan sa mga kinahinatnan:

Bernardo naging Estrellado

Alcantara naging Roasa

de la Concepcion naging Morillo

de la Torre naging Teope

San Jose naging Lorico

Buenaventura naging Penalosa

San Juan naging Romulo

at sa ipinahihiwatig ng ilang matatandang dokumento bagaman at ito’y nangangailangan pa ng karagdagang pananaliksik:

Pagdingalan naging Oracion

Martin naging Rogado

Concepcion naging Quebar

San Antonio naging Apostol

Mariano/Victoria naging Esperanza

de lima naging Raflores

San Miguel naging Reodica, at iba pa.

Samantala, patuloy ang mga taga Visita sa pag-aasikaso upang lubusang lumaya, na simula sa pagdating ni Fr. del Moral noong kalagitnaan ng 1849 hanggang sa panahong ito’y itinuon naman sa kahilingang magkaroon ng sariling parroco na mangangasiwa sa buhay espiritual ng Visita. Nagbunga ito ng lalong mahigpit na pagsalungat mula kay Fr. del Moral na nag-ungkat ng dahilan: Unang-una’y ang di nila pagtupad sa hinihingi ng nakaraang mga dekreto upang lubusang lumaya.

Taon 1853
Upang mapadali ang minimithi, pinasimulan nila ang paglilikom ng mga materyales at pagtatayo ng isang Yglesia Provisional o Simbahang Pansamantala habang di pa nila naitatayo ang permanenteng yari sa apog at bato ayon sa Ordinansa. (Ang Yglesia’y nasunog noong Mayo 12, 1872 kaya’t pinasimulan naman noong 1873 ang permanenteng yari sa apog at bato).

Taon 1854
Kahit may munting kakulangan sa maraming kondisyon ng paglaya, natupad naman ng mga taga Visita ang mga mahahalaga at pangunahing kondisyon, kaya’t magkatugong pinagtibay ng Gobernador-Heneral, (ang Marques de Novaliches) at ang Arzobispo ng Maynila sa pamamagitan ng Dekreto ang paglayang pang-espirituwal ng Visita.

Dito nasabi, sang-ayon sa pagkakatitik ng Mataas na Pamahalaang Kolonyal ng Espana sa kanyang Opisyal na Kalatas Blg. 1827, na pinal na napagtibay nitong Abril 3, na ang ”… Luisiana ay lubusang Malaya na sa kanyang pan-sibil at pang-espiritual mula sa kanyang inang Majayjay.” Ito ang simula ng Bayang Luisiana, taglay ang pangalang hango sa“Ama ng Bayan”, Don Luis Bernardo at sa kanyang maybahay, Dona Ana (Luis y Ana).

References:

1. Documentos Sobre La Independencia Civil y Espiritual de Luisiana, Tomos I y II, Compuesto por el Yllmo Ex V. Alcalde Rodante C. Estrellado.

2. Ynventario de los Bienes del Don. Andres Teope y Dona Maria Estrelado, et al.

3. National Archive

 

 

: About Us : Our Services : Picture Albums : Other Links :
Content Copyright © 2005, Luisiana's Web Site. For support, contact the Webmaster.